Pumalo na sa mahigit P33 milyon ang halaga ng pinsala sa mga pananim ang naitala sanhi ng pananalasa ng bagyong Kiko sa lalawigan ng Cagayan.
Sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa 911 magsasaka ang naapektuhan para sa mga pananim na palay at mais sa probinsiya.
Partikular na naitala ito sa 627 ektarya ng agricultural areas sa mainland at Calayan island.
Maliban sa mga pananim, naitala rin ang minimal na pinsala sa sektor ng pangisdaan kung saan 11 mangingisda ang naapektuhan.
Samantala, kasalukuyan pang nililikom ang datos sa lawak at halaga ng pinsala ng bagyo sa buong rehiyon dos.
Nanatili namang nasa mga evacuation center at kanilang mga kamag-anak ang nasa 58 pasahero na stranded sa pantalan ng Claveria at Aparri na papunta sa isla ng Fuga at Calayan.
Habang nakauwi na rin ang karamihan sa mga inilikas na residente sa coastal towns ng Isabela, Cagayan, at Batanes.
Sa ngayon ay pahirapan pa rin ang komunikasyon sa Batanes dahil sa kawalan ng suplay ng kuryente.