

TUGUEGARAO CITY- Aprubado na ng Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan ang P4.5 billion na 2022 annual budget ng probinsiya matapos ang isinagawang special session kahapon.
Ngunit bago ito maipasa sa ikatlo at huling pagbasa ay nagkaroon ng diskusyon sa pagitan ng ilang miyembro ng Sanggunian Panlalawigan matapos ang motion for adjournment ni Board Member Vilmer Viloria nang maipasa na ito sa ikalawang pagbasa na sinang-ayunan naman ng presiding officer na si Vice Governor Melvin Vargas.
Ngunit tinutulan ito nina Board Member Alfonso Llopis at Ex-officio Board member Maila Ting Que dahil maaari na ring ipasa ang budget para sa ikatlong pagbasa.
Sa kabila nito ay napagkasunduan rin na ipasa ang budget ng probinsiya at humingi ng paumanhin ang bawat isa sa naganap na tensyon.
Sa kwento naman ni Board Member Vilmer Viloria na matapos aprubahan ang panukalang budget sa ikalawang pagbasa ay nagkaroon ng sandaling katahimikan sa sesyon hanggang sa nagmosyon siya para sa agjournment ng kanilang session para mabigyan daan ang kanilang kahilingan na makita ang mga attachment ng apat na bagong ipinasang ordinansa na makakasama sa executive budget.
Agad naman na sinang-ayunan ni Vice Governor Melvin Vargas ang motion for adjournment subalit nagpahayag ng objection dito sina Ex- Officio Board Member Maila Ting Que at Board Member Al Llopis.
Sinabi ni Viloria na naging mainit ang pagkontra ni Llopis sa pagsang-ayon ni Vargas sa adjournment hanggang sa nakialam na rin si Board Member Boy Vargas kung saan nagkaroon sila ng pagtatalo at sigawan sa loob ng session hall.
Napahupa naman ang sitwasyon nang pumasok na rin ang mga security ng SP kung saan ay lumabas si Llopis at sumunod naman ang iba pang bokal at nagkaroon sila ng mahabang recess.
Sinabi ni Viloria na sa kanilang pagpasok muli sa session hall ay naging kalmado na ang lahat.
Kaugnay nito, sinabi ni Viloria na ang kanyang mosyon para sa adjournment para bigyan daan ang kanilang hinihingi na attachment mula sa secretariat ay natugunan naman kaya ipinasa nila ang panukalang budget.
Kabilang sa mga hiningi nilang attachment na maipapasok sa executive budget ang mga polisiya na gagabay sa paggasta sa P112m na financial assistance para sa mga household na matinding naapektuhan ng covid-19.
Kabilang din sa mga bagong ordinansa na kanilang ipinasa ay ang pagbibigay ng financial assistance sa mga persons with disabilities at iba pang livelihood assistance.
Ayon kay Viloria, nasa pagpapasiya na ni Governor Manuel Mamba kung ano ang kanyang gagawin sa mga nasabing mga ordinansa.
Kasabay nito, sinabi ni Viloria na nananatili pa rin sa budget ang pondo para sa ” No barangay/town left behind” na programa ni Gov. Mamba, pondo para sa iba’t ibang infrastructure projects, 45 percent para sa personal services at iba pa.










