Umabot sa mahigit P4.7 million na cash assisstance ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 sa 567 partner-beneficiaries ng Project LAWA o Local Adaptation to Water Access at BINHI o Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished sa ilalim ng Risk Resiliency Program ng ahensiya.
Ayon sa ahensiya na nasa 567 mula sa 580 partner-beneficiaries ang nakatanggap ng P8,400 bawat isa matapos sumailalim sa cash-for-training (CFT) at cash-for-work (CFW) sa loob ng 20 araw.
Dagdag pa ng ahensiya na nakatakda ring isagawa sa mga susunod na araw ang pay-out sa natitira pang 13 partner-beneficiaries.
Ang Project LAWA at BINHI ay inisyatibo ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na may layuning mapalakas ang kakayahan ng mga mahihirap at vulnerable families na matugunan ang epekto ng climate change.
Nakasentro ito sa pagtatayo ng mga small farm reservoir o imbakan ng tubig at pagbuo ng mga communal garden para matugunan ang kakulangan sa pagkain at tubig na dulot ng El Niño at La Niña.
Nabatid na ang bayan ng Pamplona ang pangalawang LGU sa Rehiyon Dos na nagsagawa ng payout matapos makumpleto ang 20 araw na implementasyon ng proyekto.