Nasabat ng mga awtoridad sa Cagayan ang tinatayang P5.3 million na halaga ng hinihinalang cocaine sa Barangay Taggat Sur, Claveria.

Ito ay kasunod ng pagkakahuli sa isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation sa nasabing lugar noong September 9, 2025, na pinangunahan ni PCAPT Armando Tolentino Jr., hepe ng PNP Claveria at mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang enforcement units.

Kinilala ang suspek na si alya “Bong,” 43-anyos, may asawa, at residente ng Purok Sto. Niño, Brgy. Taggat Sur, Claveria.

Ayon sa pulisya, isinagawa ang operasyon ng 11:30 a.m.

Nakuha mula sa suspek ang sumusunod na ebidensya-isang brick na nakabalot sa duct tape na may label na “Coca Racing” na naglalaman ng puting pulbos na pinaniniwalaang cocaine at tinatayang may bigat na humigit kumulang sa isang kilo; isang piraso ng ₱1,000 bill at 249 piraso pang bilang ng boodle money; isang cellphone; backpack; at isang susi ng kulong-kulong.

-- ADVERTISEMENT --

Ang suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kaugnay nito, sinabi ni Tolentino, ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na pagpapatupad ng Project SPIES (Strengthening Port Interdiction to Enhance Security), isang inisyatiba na pagpapaigting sa pagbabantay sa mga baybaying dagat, daungan, at iba pang pasukan ng ilegal na kontrabando, partikular na ang droga.

Ang Claveria, na may mga coastal barangays ay itinuturing na isa sa mga watchlisted maritime entry points sa hilagang bahagi ng Cagayan, kaya’t isinailalim ito sa mas pinaigting na interbensyon sa ilalim ng naturang proyekto.