
Aabot na sa P5.7 bilyon ang halaga ng mga pananim ang napinsala ng tagtuyot na dulot ng El Niño sa Region 2, ayon sa datos ng Department of Agriculture.
Ayon kay Kay Olivas ng Department of Agriculture Region II, pinakaapektado ang taniman ng mais at sinundan ito ng palay, at sumunod ang high-value crops.
Nasa 99,879 naman ang bilang ng mga magsasaka ang apektado ng tagtuyot kung saan labis na naapektuhan ang probinsya ng Cagayan na sinundan ng Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino.
Bilang tugon para sa mga apektadong magsasaka, namahagi na ang DA ng tulong-pinansyal at libreng seedlings para sa mga alternatibong pananim, gaya ng mga gulay na mabilis tumubo at nabubuhay kahit mainit ang panahon.
Dagdag pa ni Olivas na nakapagsagawa na rin ng cloud seeding operation sa ilang lugar sa rehiyon katuwang ang PAF, na nakatulong umano ng kaunti upang maibsan ang kakulangan sa tubig sa agrikultura.










