TUGUEGARAO CITY-Nasa mahigit P5.8 milyon na ang halaga ng food and non food items ang naibahagi ng Department of Social Welfare ang Development (DSWD)-Region 2 sa mga bayan na apektado ng malawakang pagbaha sa buong Rehiyon Dos.

Ayon kay Chester Trinidad, tagapagsalita ng DSWD-Region 2, sa probinsiya ng Cagayan, nasa P3.2Milyon ang kanilang naipamahaging tulong habang P1.6 Milyon naman sa Isabela.

Aniya, patuloy ang kanilang pamamahagi ng tulong lalo na sa mga lugar na hanggang ngayon ay hindi pa humuhupa ang tubig-baha.

Sinabi ni Trinidad na bagamat may mga pamilya nang nakabalik sakanilang mga tahanan, marami pa rin ang nananatiling nasa mga evacuation centers.

Batay sa kanilang monitoring, 2,717 pamilya na binubuo ng 9,818 indibidwal ang nananatiling nasa 126 evacuation centers sa Cagayan habang 281 pamilya na may 1,402 indibidwal ang nasa 18 evacuation centers sa Isabela.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi Trinidad na patuloy ang kanilang monitoring at handang magbigay ng assistance ang kanilang pamunuan sa mga bayan na apektado ng malawakang pagbaha at landslide.

Samantala, nagpasalamat naman si Trinidad sa hanay ng kasundaluhan maging sa iba’t-ibang government agencies sa tulong na kanilang ipinaaabot.