TUGUEGARAO CITY-Mahigit Limang Milyong Piso ang ibinahaging tulong ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga nasalanta ng malawakang pagbaha nitong nakalipas na linggo sa Probinsiya ng Cagayan.
Pinangunahan ni General Manager Royina Garma ng PCSO ang pag-turn over ng calamity assistance sa 21 bayan sa probinsiya na lubhang naapektuhan ng pagbaha.
Tinanggap ng Tuguegarao City ang cheke na nagkakahalaga ng P1.5Million, tig-P500,000 naman ang bayan ng Amulung, Solana, Lal-lo, Enrile, Camalanuigan at Aparri habang tig-P100,000 naman ang bayan ng Rizal, Tuao, Lasam, Sto ñino, Sta Praxedes, Sanchez Mira, Pamplona, Iguig, Gattaran, Claveria, Ballesteros, Baggao, Alcala at Abulug.
Sa kabuuan ay umabot sa P5.9 milyon ang naipamahaging calamity assistance ng PCSO.
Bukod dito, namigay din ng relief goods ang PCSO bilang pamaskong handog sa mga katutubong Agta na nasalanta rin ng pagbaha.
Umabot sa 500 agta na mula sa bayan ng Gonzaga, Allacapan at Peñablanca ang nabigyan ng tulong.
Kaugnay nito, sa naging talumpati ni Garma, kanyang inihayag na may susunod pang ibabahaging tulong bukod sa mga natanggap ngayong araw.
Samantala, sinabi ni Garma na nakatakda rin mamahagi ng kahalintulad na tulong ang kanilang tanggapan sa Visayas area na unang nasalanta ng Bagyong Ursula.