Natanggap na ng mga benepisaryo ng nagdaang bagyong Ompong sa Cagayan ang 1st tranche ng ayudang pinansiyal mula sa Philippine National Redcross.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Director Leo Ebajo ng disaster management service ng Redcross central na mula sa relief operations ay nagsasagawa na sila ng recovery operations sa tulong ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies .
Nabatid na nasa mahigit limang milyong piso ang naipamahaging livelihood at agricultural assistance sa bayan ng Baggao, Gattaran at Alcala na may layuning maibangong muli ang mga pamilya na naapektuhan ng bagyo.
Nasa 57 pamilya ang nabigyan ng P8,000 na ayuda sa unang tranche sa ilalim ng agricultural assistance na may kabuuang P15,000 bawat isa.
Habang 436 na pamilya ang nakatanggap na ng P6,000 sa unang installment ng ayuda sa ilalim ng livelihood assistance na nagkakahalaga ng P10,000.
Kailangan lamang na iprisinta ng mga benepisaryo ang kanilang mga resibo para sa biniling mga materyales o binhi upang makuha ang second tranche ng ayuda.
Ang mga benepisaryo ng PNRC sa agricultural assistance ay mga tenants o nakikisaka ng mas mababa sa isang ektarya habang sa livelihood assistance ay kailangang makapagpasa ng tatlong proposals ang mga benepisaryo para sa pagsisimula ng kanilang negosyo.
Iginiit ni Ebajo na dumaan sa masusing ebalwasyon at validation ang mga napiling benepisaryo ng Redcross.