Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Lunes, Hunyo 30, na magkakaroon ng ₱50 dagdag sa arawang sahod ng mga minimum wage earners sa National Capital Region (NCR) simula Hulyo 18.
Ayon sa DOLE, ang umento ay inaprubahan nang unanimously ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board.
Dahil dito, ang arawang sahod ng mga manggagawang hindi saklaw ng sektor ng agrikultura ay tataas mula ₱645 patungong ₱695, habang para sa mga agricultural workers naman, mula ₱608 ay magiging ₱658 na ang kanilang daily wage.
Sa pagtataya ng National Wages and Productivity Commission, ang dagdag-sahod ay katumbas ng karagdagang ₱1,100 bawat buwan para sa mga empleyadong may limang araw na pasok sa trabaho kada linggo, at hanggang ₱1,300 naman kada buwan para sa mga may anim na araw na pasok.
Ipinaliwanag ng wage board na isinasaalang-alang nila ang inflation rate at ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa pagtukoy ng bagong wage adjustment.
Huling naglabas ng wage order para sa NCR noong Hunyo 2023, kung saan ₱40 ang ipinag-utos na dagdag-sahod.
Samantala, patuloy na nabibinbin ang mga panukalang batas na layong magpatupad ng nationwide wage hike.
Sa ika-19 na Kongreso, parehong nakapasa ang Senado at Kamara ng kani-kanilang bersyon ng wage hike bill—₱100 dagdag-sahod mula sa Senado at ₱200 naman mula sa Kamara.
Ngunit nabigo ang dalawang kapulungan na magkasundo sa iisang halaga, kaya’t bumalik sa umpisa ang panukalang batas matapos ang pagsasara ng sesyon.