TUGUEGARAO CITY- Iniimbestigahan pa ng mga otoridad kung sino ang tatlong katao na pumasok sa warehouse sa Larion Alto, Tuguegarao City at kinuha umano ang nasa P500,000 cash.
Sinabi ni PLT. Rosemarie Taguiam, information officer ng PNP Tuguegarao na hanggang ngayon ay wala pa silang lead kung sino ang mga pumasok sa warehouse ng mga dry goods na pagmamay-ari ni Hua Dong Cai.
Ayon kay Taguiam, batay sa kuha ng CCTV, makikita ang tatlong magnanakaw na gumamit ng lubid para makaakyat sa bubong at ginunting ang galvanized iron at gamit din ang lubid ay nakapasok sila sa loob ng warehouse.
Agad na pumunta sa isang bahagi ng warehouse ang mga magnanakaw kung saan matatagpuan ang opisina kung saan nakalagay ang vault at dito kinuha ang nasabing halaga ng pera.
Sinabi ni Taguiam na lubid din ang ginamit ng mga kawatan sa kanilang paglabas mula sa nasabing warehouse.
Ayon pa kay Taguiam, hindi makilala ang mga kawatan dahil sa nakasuot sila ng bonnet at personal protective equipment o PPE.
Nakausap din ng mga imbestigador ang nag-iisang security ng warehouse at sinabi niyang wala siyang napansin na kakaiba o narinig na anomang ingay nang mangyari ang pagpasok ng mga magnanakaw.
Gayonman, inamin din niya na nakatulog na siya nang mangyari ang pagnanakaw sa oras na 10:00.
Tinignan din ang CCTV sa quarters ng mga trabahador na malapit lamang sa warehouse subalit wala silang nakita na lumabas sa mga ito ng mangyari ang insidente.