TUGUEGARAO CITY – Nakakadismaya umano ang panukala ni Senator Bong Go na P588 kada buwan na dagdag sahod ng mga guro.
Sinabi ni Reymund Basilio, secretary general ng Alliance of Concerned Teachers o ACT ang panukala ni Go ay “konsuelo de bobo” at kabaliktaran sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na dodoblehin o mas malaki pa ang ibibigay na dagdag sahod sa mga guro.
Idinagdag pa ni Basilio na si Go ang may pinakamababang panukala na dagdag sahod sa mga mambabatas na naghain ng katulad na panukala.
Ayon sa kanya,P28,000 hanggang P36,000 ang panukala ng ilang mambabatas para sa bagong pasok na mga guro.
Sinabi niya na mayroon din silang nakabinbin na panukala na humihiling ng P30,000 na buwanang sahod ng mga guro bukod pa sa P5,000 na chalk allowance.