Isinusulong ngayon ni Cagayan Board Member Maila Ting Que ang panukalang ordinansa na magbibigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang labis na naapektuhan dahil sa may miyembro na nagpositibo ng COVID-19.
Layunin ng panukalang ordinansa na mabigyan ng P5,000 one-time financial assistance ang mga pamilyang nawalan ng kita o hanapbuhay dahil sa kinakailangang isailalim sa 14-days quarantine at lockdown.
Subalit ang pagpili sa mga tatanggap ay dadaan sa masusing validation ng Provincial Social Welfare and Development.
Umaasa naman si Que na maipapasa ito sa lalong madaling panahon at mahanapan ng pondo sa ilalim ng pangunahin o supplemental budget o mula sa mga donasyon.
Sa pagtaya ni Que, nasa mahigit isang libong pamilya sa lalawigan ang malubhang naapektuhan ang kita dahil sa pagpositibo ng isa o higit pang miyembro sa virus.
Pasado na ang panukalang ordinansa sa ikalawang pagbasa sa Sangguniang Panlalawigan.