Inatasan ng Korte Suprema ang admi­nistrasyong Marcos na ibalik ang P60 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pamamagitan ng 2026 General Appropriations Act (GAA) na inilipat sa national treasury noong 2024.

Sa unanimous decision, iniutos din ng SC ang permanenteng pagbawal sa paglilipat ng natitirang P29.9 bilyon na reserve funds.

Sinabi ni SC spokesperson Camille Ting na ang mga pangunahing probisyon sa 2024 GAA ay pinawalang-bisa sa pagbalewala ng mga reserbang pondo at nilabag ang Universal Healthcare Act (UHC).

Sinabi rin ni Ting na ang Finance Secretary ay hindi awtorisado na dagdagan ang anumang item sa GAA, dahil ang Pangulo lamang ang may kapangyarihan nito.

Tinanggihan naman ang kahilingan ng mga petisyuner na papanagutin ang Kalihim ng DOF para sa malversation o plunder, kung saan binanggit ng Korte na ang mga naturang isyu ay wala sa saklaw ng kaso.

-- ADVERTISEMENT --