Huli ang isang lalaki sa bisa ng search warrant dahil sa pagtatago at pagbebenta ng mga iligal na pinutol na kahoy sa kanyang bahay sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Kinilala ang suspek na si Orlando Cinco, 35-anyos, may-asawa at residente sa Brgy Bitag Grande.
Ayon kay PLTCol osmundo Mamanao, hepe ng PNP-Baggao, sa inilunsad na operasyon ay nakumpiska sa labas ng bahay ng suspek ang aabot sa P60K na halaga ng 50 pirasong round log o nasa 1,203 board feet ng G. Melina na ang karamihan ay matagal nang nakaimbak.
Bagamat may ipinakita aniyang permit mula sa barangay ang suspek subalit ito ay expired na at kahit sariling tanim kung walang permit sa pagputol ay hindi rin pinapayagan sa batas.
Sa ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Forestry Reform Code of the Philippines laban sa may-ari ng mga kahoy.
Samantala, sa kaparehong araw ay narekober rin ng pulisya ang mga inabandonang pinutol na kahoy ng narra na nasa tabi ng ilog sa Brgy Dabbac na pinaniniwalaang pinaanod.
Ito ay tinatayang nagkakahalaga ng P63K at hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng may-ari nito.
Muli namang nagpaalala si Mamanao sa mga residente na magsilbi sanang liksyon ang mga naitatalang pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng iligal na pagputol ng mga puno.