Nasa P618.7 milyon ang kabuuang pinsala ng nagdaang bagyong Ramon sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Ret. Col Atanacio Macalan, head ng Provincial Climate Change Disaster Risk Reduction Management Office (PCCDRRMO) na pinakamalaki ang naitalang pinsala sa sektor ng imprastruktura na aabot sa P597.5 milyon.
Pinakaapektado dito ang mga national roads and bridges sa 1st district ng Department of Public Works and Highways sa pinsalang P247.5 milyon; mga provincial roads and bridges sa South Western na P69.5 milyon at P5.9 milyon sa Northeastern ng Cagayan.
Aabot naman sa P270 milyon ang halaga ng pinsala sa communal irrigation system ng National Irrigation Administration (NIA) sa bayan ng Sta. Ana habang P5 sa mga poste ng Cagayan Electric Cooperative (CAGELCO).
Nasa P19.8 milyon ang napinsala sa sektor ng agrikultura habang aabot sa P1.4 milyon ang nasira sa livestock.
Dagdag pa ni Macalan na patuloy ang kanilang pamamahagi ng mga relief goods sa mga apektadong residente at patuloy ang monitoring sa naging pinsala ng bagyo para sa ibibigay na ayuda.
Samantala, nakauwi na ang libu-libong evacuees sa kanilang tahanan matapos humupa ang baha na dulot ng bagyo.
Sa datos ng pamahalaang panlalawigan, umabot sa 3314 pamilya o 10,769 ang inilikas dahil sa mga pagbaha at landslide.
Nananatili namang zero casualty o walang naitalang namatay sa pananalasa ng bagyo sa lalawigan habang isa ang namatay dahil sa pagkalunod sa lalawigan ng Apayao.