Inaprobahan ng Bicameral Conference Committee kaninang umaga ang P63.9 billion budget para sa Assistance to Individuals in Crisis (AICS) program para 2026, mas mataas ng P37 billion mula sa orihinal na panukalang P26.9 billion sa ilalim ng National Expenditure Program.

Ito ay matapos na tanggapin ng Bicam panel ang House version ng panukalang P6.7 trillion budget na naglalaan ng P63 billion para sa AICS.

Sa P63 billion, kinuha ng Kamara ang P32.6 billion mula sa realigned budget para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sinabi ni Senate finance panel chairman Sherwin Gatchalian na makatuwiran ang bersyon ng Kamara, dahil nitong nakalipas na dalawang taon, lahat ng alokasyon para sa AICS sa ilalim ng programmed funds ay nagamit na at kailangan na gamitin ng pamahalaan ang unprogrammed funds para matiyak na maibigay ang ayuda sa mga nangangailangan.

Ang unprogrammed appropriations ay budget items na mapopondohan lamang kung may sobra na kita ang pamahalaan at iba pang pagkukunan ng pondo tulad ng loans o special laws, ibig sabihin wala itong garantiya hindi tulad sa items sa ilalim ng programmed appropriations.

-- ADVERTISEMENT --

Sumang-ayon naman dito sina Senator Erwin Tulfo at House appropriations panel chairperson and Nueva Ecija 1st District Representative Mikaela Suansing.

Sinabi ng dalawa na kailangan pa kasi na mag-request ang DSWD para mailabas ang Quick Response Fund (QRF) upang matugunan ang pondo para sa AICS ngayong taon dahil sa naubos na ang pondo ng nasabing programa bunsod ng serye ng mga lindol at mga bagyo, kung saan maraming mamamayan ang nangangailangan ng AICS.