Iginiit ng isang mambabatas na umabot sa P7.28 bilyon ang lugi ng industriya ng asukal dahil sa labis na pag-angkat ng asukal na pinahintulutan ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Javi Benitez na nagdulot ng sobra-sobrang suplay sa merkado ang ipinatupad na Sugar Order No. 8, na nagpayag sa pag-import ng 424,000 metric tons ng refined sugar mula Hulyo hanggang Nobyembre 2025—malayo sa 50,000 metric tons na rekomendasyon ng mga lider ng industriya sa Negros Occidental.

Ayon kay Benitez, bumagsak ang farmgate price ng asukal mula P2,500–P2,800 kada 50 kilobags tungo sa P2,000–P2,200 pagsapit ng Enero 2026, o katumbas ng 38% pagbaba at mas mababa pa sa tinatayang P2,500 na gastos sa produksyon. Bumagsak din aniya ang presyo ng molasses mula P17,000 kada tonelada tungo sa P7,500.

Dagdag pa ng mambabatas, mula Oktubre hanggang Disyembre 2025 pa lamang ay umabot na sa P7.28 bilyon ang lugi ng industriya, at maaari pa itong lumampas sa P20 bilyon pagsapit ng Hunyo 2026 kung walang pagbabago sa polisiya.

Pinabulaanan din ni Benitez ang umano’y pahayag na ang imbestigasyon ng Kamara ang dahilan ng pagbaba ng presyo ng asukal. Aniya, matagal nang alam ng mga nasa industriya ang sobrang suplay, at tumigil lamang sa pagbili ang mga trader dahil puno na ang kanilang mga bodega.

-- ADVERTISEMENT --

Tinukoy rin niya na ang panandaliang pagtaas ng presyo ay dulot ng export shipments patungong United States sa ilalim ng 2025 WTO Tariff Rate Quota, ngunit bumalik din agad sa mababang antas matapos ang mga ito.

Binigyang-diin ni Benitez na ang mga ipinatupad na moratorium sa importasyon ng molasses ng SRA, kasama ang Department of Agriculture (DA), ay patunay na sinusubukan lamang ayusin ng ahensya ang problemang sila rin ang lumikha.

Samantala, hiniling din niya sa SRA na ilabas ang listahan ng mga trader na binigyan ng import allocation sa ilalim ng Sugar Order No. 8, na dalawang beses na umanong tinanggihan ng ahensya.

Giit ng mambabatas, magpapatuloy ang Kamara sa imbestigasyon upang maprotektahan ang mga magsasaka at matiyak na hindi sila malulugi dahil sa maling polisiya sa importasyon.