
Inihain sa Kamara ang panukalang batas na nagsusulong para sa P7,000 na buwanang fuel subsidy sa mga manggagawa sa low-income sectors, sa gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo ng langis bunsod ng kaguluhan sa Middle East.
Sinabi ni Parañaque Rep. Brian Yamsuan na layunin ng kanyang inihaing House Bill 8340 na mabigyan ng ayuda ang mga nagtatrabaho sa mga bukid, fisheries, public transport, agricultural production, at iba pang low-income sectors.
Ayon kay Yamsuan na makakatulong ang panukala sa panukalang batas na nagbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis.
Sa ilalim ng panukalang batas, popondohan ang subsidy sa ilalim ng General Appropriations Act sa ilalim ng alokasyon para sa Department of Energy, Department of Transportation, Department of Agriculture at Department of Social Welfare and Development.
Nakasaad din sa panukalang batas na ang mga tatanggap ng fuel subsidy program ay dapat na rehistrado sa umiiral na government registries, kabilang ang database ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Municipal Fisherfolk Registration System, sa boat registry of the Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ang Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).










