Nakumpiska ng mga otoridad ang 11,000 board feet ng tinistis na kahoy na tinatayang nagkakahalaga ng P700,000 sa Brgy. Lucban, Abulug, Cagayan.
Sa ulat ng Cagayan Police Provincial Office, nakatanggap ng impormasyon ang intel operatives ng PNP-Cagayan na may mga nakatambak na nilagareng kahoy sa lote na pagmamay-ari umano ng isang contractor na si Tomas Uy na residente sa probinsiya ng Apayao sa nabanggit na barangay.
Kaagad nagsagawa ng operasyon ang Cagayan PNP, katuwang ang PNP Abulug kung saan nakita ang mga tinistis na puno ng narra, red at white lawan.
Ipinasakamay naman sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang mga kontrabandong kahoy habang inihahanda ang kasong paglabag sa PD 705 o forestry reform code of the Philippines laban sa naturang kontraktor.
Ito ay bahagi ng pinag-igting na kampanya laban sa illegal logging ng binuong Cagayan Anti-Illegal Logging Task Force.
Matatandaang binuo ni Governor Manuel Mamba ang nasabing Task Force para sugpuin ang talamak na illegal logging sa ilang bayan sa lalawigan.