Nadiskubre ang pinaghihinalaang shabu na may timbang na 110 kilograms at nagkakahalaga ng nasa P749 million sa loob ng apat na “balikbayan” boxes sa Manila International Container Port in Tondo, Manila.

Nasamsam ang mga droga sa isinagawang interdiction operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang Bureau of Customs (BOC) sa loob ng Container Facility Station 3, nang inspeksionin ang mga karton na mula sa California at naka-address sa recipients sa Mandaluyong at Quezon City.

Nakita sa loob ng mga karton ang 106 vacuum-sealed plastic packs na naglalaman ng white crystalline substances na maayos na inilgay sa cereal boxes, snack packs at instant noodles.

Nakumpirma sa initial testing na ang mga substances ay shabu.

Ayon sa PDEA, isasailalim ang mga nasabing substance sa karagdagang laboratory analysis at case documentation.

-- ADVERTISEMENT --

Habang walang nahuling mga suspek, inaalam na ng mga awtoridad ang pagtukoy sa mga nasa likod ng shipment at pag-alam sa anomang local contacts na may kaugnayan sa pagtatangka na smuggling.

Ang pagkakadiskubre ng shabu sa balikbayan boxes ay patunay sa pagsisikap ng pamahalaan na higpitan ang border security at mapigilan ang pagpasok ng illegal sa ating bansa.