CTTO

TUGUEGARAO CITY-Hindi sapat ang pitong bilyong piso para bilhin ng National Food Authority (NFA) ang mga aning palay ng mga magsasaka sa buong bansa.

Pahayag ito ni Dating Department Agrarian Reform (DAR)Sec. Rafael Mariano na siyang pinuno din ng kilusang magbubukid ng Pilipinas, matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bilhin ng NFA ang mga aning palay ng mga magsasaka.

Ayon kay Mariano, batay sa kanilang ginawang computation, ang kailangan ng NFA para mabili ang kahit sampung porsyentong aning palay ng mga magsasaka ay P20 hanggang P25 bilyon.

Aniya, kung mayroong ganitong pondo ang NFA mabibili nito ng P20 hanggang P22 ang bawat kilo ng palay hindi katulad sa nangyayari ngayon na napakababa na ang pagbili.

Kaugnay nito, iminungkahi ni Mariano sa kongreso na kung maaari ay gumawa ng resolusyon na maglalaan ng supplemental budget ang NFA para sa kanilang programa.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Mariano na malaking tulong ito kung sakali sa mga magsasaka, dahil karamihan sa mga ito ay inuutang lamang ang kanilang ginagamit sa pagsasaka kung kaya’t para makabawi sa kanilang mga gastos ay kailangang mabili sa mahusay at makatwirang presyo ang kanilang ani.

Tinig ni Dating Department Agrarian Reform (DAR)Sec. Rafael Mariano