CTTO

TUGUEGARAO CITY-Umabot sa P8.7 million ang halaga ng marijuana na sinira ng mga otoridad sa Tinglayan, Kalinga.

Isinagawa ang tatlong araw na operasyon simula nitong Hunyo 10 hanggang 12 sa limang area sa Tulgao West.

Binunot at sinunog ng mga operatiba ng PNP Kalinga at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 43,850 fully grown marijuana plants na nakatanim sa 2,250 square meters na may kabuuang halaga na P8,770,000.00 sang-ayon sa pagtaya ng Dangerous Drugs Board.

Gayonman, wala umanong cultivator na nahuli sa isinagawang operasyon.

Kaugnay nito, sinabi ni Police Col. Davy Vicente Limmong, oic provincial director ng KPPO na ang nasabing operasyon ay alinsunod sa kampanya ng kapulisan kontra iligal na druga at malinis ang mga drug-affected barangay sa lalawigan particular sa Brgy. Tulgao West sa Tinglayan, Kalinga.

-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni Limmong na tuloy-tuloy ang isinasagawang marijuana eradication sa lalawigan sa kabila ng imposibleng tuluyang mabura ang problema sa marijuana sa probinsiya.

Dahil dito, umapela ng tulong ang opisyal sa mga barangay officials na huwag i-tolerate o hayaan ng mga residente ang pagtatanim ng marijuana sa kanilang lugar.