
Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa National Capital Region ang P800 na dagdag sa buwanang minimum wage ng mga kasambahay sa Metro Manila.
Sa ilalim ng Wage Order No. NCR-DW-06, itinaas ang minimum na sahod ng mga domestic worker mula P7,000 patungong P7,800 kada buwan. Magiging epektibo ang bagong wage rate sa Pebrero 7, 2026.
Ayon sa wage order, kung ang kasambahay ay kinuha sa pamamagitan ng lisensyadong private employment agencies (PEAs), ang mga principal o kliyente ang sasagot sa pasahod, at awtomatikong ituturing na amyendado ang kontrata.
Dagdag pa, mananagot nang magkatuwang ang PEAs at ang mga kliyente kung hindi masusunod ang itinakdang sahod. Nilinaw din na walang employer ang exempted sa bagong wage rate.










