Unti-unti nang naibabalik ang supply ng kuryente sa 16 na bayan sa Cagayan at apat na bayan sa lalawigan ng Apayao na nakakaranas ng blackout bunsod ng mga nasirang mga poste at mga kawad bunsod ng pananalasa ng bagyong Marce.

Sinabi ni Engr. Rudolph Adviento, general manager ng Cagayan Electric Cooperative (CAGELCO) 2 na may ilang barangay na sa Allacapan, Aparri, Buguey, Camalaniugan, Gattaran, Lallo, Lasam, at Santa Teresita ang naibalik na ang supply ng kuryente.

Aniya, sa ngayon, ang mga bayan na wala pang kuryente ay Abulug, Ballesteros, Claveria, Pamplona, Sanchez Mira, Santa Ana, Santa Praxedes sa Cagayan at sa mga bayan ng Pudtol, Flora, Luna, at Santa Marcela sa Apayao.

Sinabi niya na inaasahan na darating bukas ang hiniling nila na mga linemen sa Task Force Kapatid mula sa Nueva Vizcaya at Cordillera Administrative Region para tumulong sa mabilis na pagkukumpuni ng mga natumba at nabali na mga poste at naputol na mga kawad.

Ayon kay Adviento, target nila na maibalik ang supply ng kuryente sa mga nasabing lugar sa Biyernes at sa November 22 naman sa lahat ng barangay at maging sa mga kabahayan.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Adviento na ang estimate na damage sa mga nasirang poste ay P4 million at ang tantiya nila na kabuuang pinsala, kasama ang mga kawad ng kuryente at iba pang materyales ay aabot ito ng P8 million.