Naglaan ng aabot sa P9 bilyon sa 2026 national budget ang Kongreso upang palawakin ang pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, ayon kay Senador Sherwin “Win” Gatchalian.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, na layunin ng programa na paigtining ang learning recovery at mapabuti ang reading comprehension ng mag-aaral kahit umangat ang tantos nito kamakailan.

Base sa Middle of School Year Assessments ng Department of Education (DepEd), umangat ng humigit-kumulang limang puntos ang kahandaang bumasa o reading readiness ng mga mag-aaral mula Grade 3 hanggang Grade 6.

Umabot naman sa anim hanggang siyam na puntos ang inangat sa performance ng mga mag-aaral sa Grade 7 hanggang Grade 10, paliwanag ng senador.

Lumalabas din na 3.42 milyong mag-aaral mula Grade 3 hanggang Grade 6, at 1.72 milyong mag-aaral mula Grade 7 hanggang 10 ang malapit nang makamit ang grade-level reading proficiency.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim ng 2026 national budget, P8.96 bilyon ang inilaan sa ARAL Program upang magkaroon ng 440,000 tutors at matulungan ang 6.7 milyong mag-aaral para sa School Year 2026-2027.