
Inaprubahan ng bicameral conference committee ng Senado at Kamara ang P961.3 bilyong badyet ng Department of Education para sa 2026 matapos pag-isahin ang magkaibang bersyon ng panukalang P6.793-trilyong pambansang badyet.
Mas mataas ito ng P86.8 bilyon kumpara sa National Expenditure Program na P874.5 bilyon. Bahagi ng pagtaas ang malaking pondo para sa Basic Education Facilities Program na umabot sa dagdag na P57.3 bilyon. Dahil dito, target na maitayo ang humigit-kumulang 35,000 silid-aralan sa 2026.
Tumaas din ang pondo para sa mga aklat at instructional materials mula P11.1 bilyon tungo sa P19.5 bilyon upang tugunan ang kakulangan ng mga libro at kagamitan sa mga paaralan.
Ang badyet para sa School-Based Feeding Program ay itinaas sa P13.9 bilyon mula P11.7 bilyon. Dahil dito, mapapalawig ang feeding days ng mga mag-aaral mula 120 araw hanggang 180 araw.
Ayon sa Saligang Batas, may pangunahing prayoridad ang edukasyon sa badyet ng pamahalaan.
Sa bersyon ng Kamara, umabot sa P1.28 trilyon ang pondo para sa sektor ng edukasyon na kinabibilangan ng DepEd, state universities and colleges, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority. Mas mataas naman ang alokasyon sa bersyon ng Senado na P1.37 trilyon.










