Lumalabas na hindi pagnanakaw ang pangunahing motibo sa ginawang pagpatay sa dalawang Japanese national na binaril kamakailan sa Maynila.

Inihayag ito ng opisyal ng Manila Police District Station 5 matapos madakip ang ikalawang suspek sa krimen na nagsilbing “tour guide” ng mga biktima.

Iprinisenta ni Manila Mayor Isko Moreno kahapon, kasama si Police Colonel Alfonso Saligumba, hepe ng MPD Station 5, ang magkapatid na suspek na sina Abel at Albert Manabat, kaugnay sa nangyaring pagpatay sa dalawang turistang Hapon.

Si Abel umano ang naging tour guide ng mga biktima, habang si Albert ang itinuturong bumaril sa dalawang dayuhan matapos palabasin mula sa taxi sa tapat ng isang hotel sa Malate, Manila, noong Biyenes ng gabi.

Patuloy namang hinahanap ang isa pa nilang kasamahan na kumuha sa mga gamit ng mga biktima matapos ang pamamaril kaya kasama sa ikinunsidera sa krimen noong una ang anggulong pagnanakaw.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Saligumba, batay sa mga pahayag na ibinigay ng mga suspek, kinontrata sila sa halagang P9 million ng isa ring Hapon para itumba ang mga biktima.

Napag-usapan umano ang pagpatay sa mga biktima bago pa man dumating ang dalawa sa Pilipinas.

Madalas umanong magtungo sa bansa ang dalawa para maglaro sa casino.

Sa ipinangako umanong P9 million na kontrata para patayin ang mga biktima, sinabi ni Saligumba na inihayag ng mga suspek na P10,000 pa lang umano ang natatanggap ng mga ito bilang paunang bayad.

Sinabi pa ni Saligumba na nasa Japan ang kausap ng isang suspek na dati na nitong kakilala, at ipinagmamaneho kapag nasa Pilipinas.

Inutusan umano ng suspek na Japanese ang isa sa mga suspek na Pinoy na sunduin ang mga biktima na darating sa Pilipinas at planuhin ang gagawing pagpatay.

Nang tanungin kung ano ang posibleng motibo para ipapatay ng itinuturing mastermind na Japanese ang dalawa nitong kababayan, sinabi ni Saligumba na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon pero maaaring umanong may kaugnayan sa “onsehan.”

Samantala, pinuri ni Mayor Isko ang kapulisan sa mabilis na paglutas at pag-aresto sa mga suspek habang patuloy pa ang imbestigasyon.