Kinumpirma ng Filipino icon Manny Pacquaio ang pagbabalik niya sa boxing ring sa Enero 24, 2026 sa Las Vegas, Nevada matapos wakasan ang kanyang four-year retirement at nilabanan si Mario Barrios noong Hulyo.
Wala pang inihahayag na kalaban si Pacquiao, ngunit nasa listahan na nito si World Boxing Association (WBA) welterweight champion Rolly Romero ng Amerika.
Ang ‘come-forward style’ ni Romero bukod sa hawak na world title ng American boxer ang nagbigay sa kanya ng pagkakataong harapin si Pacquiao na hangad maging pinakamatandang welterweight titlist sa boxing history.
Sinabi ni Pacquiao na isinasapinal na ang kanilang laban ni Romero.
Susubukan ni Pacquiao na lampasan ang kanyang record na itinala niya noong 2019 nang talunin si Keith Thurman para sa parehong WBA title sa edad na 40-anyos.
Muntik niyang maagaw kay Barrios ang suot nitong World Boxing Council belt noong Hulyo 19 sa Las Vegas na nauwi sa majority draw.
Magiging 47-anyos na si Pacquaio sa Disyembre ngayong taon, at ang kanyang record ay 62-8-3, 39 knockouts, habang si Romero ay 17-2, 13 knockouts.