Balik-aksyon ngayong araw si eight-division world champion Manny Pacquiao sa pagsabak kontra kay Japanese kickboxer Rukiya Anpo sa exhibition match na gaganapin sa Saitama Super Arena sa Japan.

Tumimbang si Pacquiao ng 68.05 kilos habang may 68.7 kilos naman si Anpo sa official weigh-in.

Ito ang magsisilbing warmup ni Pacquiao sa posibleng pagbabalik nito sa professional boxing.

Nauna nang napaulat na pakay ni Pacquiao na maging challenger ni reig­ning World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios.

Huling sumabak si Pacquiao sa pro boxing noong Agosto ng taong 2021 kung saan natalo ito kay Cuban pug Yordenis Ugas via una­­nimous decision.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos nito, nagpasya si Pacquiao na magretiro sa pro boxing para pagtuunan ang kanyang noon ay presidential bid.

Subalit natalo si Pacquiao sa National Elections ngunit nanatili itong retirado sa pro boxing.

Huling lumaban si Pacquiao noong Disyembre ng 2022 sa isang exhibition match laban kay South Korean YouTuber DK Yoo.

Sa kanyang ikalawang exhibition match, haharapin sana ni Pacquiao si Japanese mixed martial artist Chihiro Suzuki.

Ngunit nagwithdraw si Suzuki dahil sa hand injury.

Kaya naman agad na ipinalit si Anpo na isang kickboxer.

Mapapatawan ng $5 milyon na multa si Anpo sakaling gumamit ito ng kickbocing skills, ayon kay RIZIN Fighting Federation president Nobuyuki Sakakibara.