Bigo ang peoples champ, Manny Pacquiao na isulat muli ang kasaysayan matapos magtapos sa majority draw ang laban niya kontra kay WBC welterweight champion Mario Barrios na ginanap sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas —ang parehong venue kung saan siya unang nagpasiklab sa Amerika 24 taon na ang nakalilipas.
Nabatid na dalawang hurado ang nagtala ng 114-114, habang isa ang nagbigay ng 115-113 pabor kay Barrios, dahilan upang mapanatili ni Barrios ang kanyang titulo. Sa harap ng 13,107 tagasuporta na karamihan ay Pilipino, hindi naging sapat ang ipinakitang sigla ni Pacquiao sa unang bahagi ng laban.
Si Pacquiao (62-8-3, 39 KOs), na bumalik sa ring matapos ang apat na taong pagreretiro at kamakailang pagkakahirang sa International Boxing Hall of Fame, ay nagpakita ng mainit na simula. Bumalik ang kanyang dating porma —mabilis, agresibo, at kombinasyon ng kaliwang suntok na paborito ng mga fans.
Ngunit hindi maikakaila ang pagod at edad habang umuusad ang laban. Sa mga huling rounds, unti-unting nakabawi si Barrios (29-2-2, 18 KOs), na 16 na taon na mas bata kay Pacquiao.