Hindi umano tumugon si Senador Robin Padilla sa ipinadalang summons ng Office of the Ombudsman kaugnay ng reklamong obstruction of justice na isinampa laban sa kanya dahil sa umano’y pagtulong sa pag-alis ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa Senado sa gitna ng pagtatangkang ipatupad ang warrant ng International Criminal Court.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, lumipas na ang itinakdang deadline ngunit wala pa ring isinumiteng sagot o anumang tugon si Padilla sa reklamo.

Samantala, sinabi ni Remulla na nakapaghain na ng kaniyang counter-affidavit si Senador Alan Peter Cayetano, habang pinagbigyan naman ng Ombudsman ang hiling na palugit ni dating Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca para makapagsumite ng kaniyang sagot.

Inihain ang reklamo matapos umanong makatakas si Dela Rosa sa Senado noong Mayo sa pamamagitan ng pagsakay sa sasakyan ni Padilla sa kasagsagan ng pagpapatupad ng ICC arrest warrant.