
Itinanggi ni Senator-Judge Robin Padilla na binale-wala niya ang summons ng Office of the Ombudsman kaugnay ng kasong obstruction of justice na isinampa laban sa kanya.
Sa pagbubukas ng pagdinig ng impeachment court nitong Lunes, sinabi ni Padilla na nakalulungkot ang mga ulat na nagsasabing hindi siya sumusunod sa batas. Iginiit niyang nagsumite na siya ng kanyang counter-affidavit sa Ombudsman bilang tugon sa reklamo.
Inamin din ni Padilla na hindi siya magpapasakop sa International Criminal Court (ICC), ngunit sinabi niyang iginalang niya ang proseso ng Ombudsman kaya naghain siya ng kaukulang tugon.
Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi tumugon si Padilla sa ipinadalang summons kaugnay ng reklamong obstruction of justice na may kaugnayan sa pag-alis ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa Senado noong Mayo.
Samantala, sinabi ni Senator-Judge Erwin Tulfo na hindi ang impeachment court ang tamang forum upang ipaliwanag ng mga senator-judges ang mga personal na isyu at kasong kinakaharap nila.
Ayon kay Tulfo, itinatag ang impeachment court para litisin ang kaso laban kay Vice President Sara Duterte at hindi upang talakayin ang mga usaping may kinalaman sa mga senador.
Dumipensa naman si Senator-Judge Alan Peter Cayetano at sinabi na mahalagang mapanatili ang integridad ng hukuman at ng mga miyembro nito. Aniya, may pagkakataong dapat ding tugunan ng mga hukom o mahistrado ang mga alegasyong maaaring makaapekto sa kanilang kredibilidad.
Noong nakaraang linggo, nagsalita rin sina Padilla at Cayetano sa impeachment court kaugnay ng pahayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na iimbestigahan ang umano’y mga iregularidad sa bidding at paggamit ng pondo para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Mariin namang itinanggi ni Cayetano, na dating chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), ang mga alegasyon ng iregularidad sa pagpapatayo ng mga pasilidad para sa naturang palaro.










