Sinumpong ng sakit sa pag-iisip na pinalala ng matinding selos ang nag-udyok sa isang padre-de-pamilya upang i-hostage ang kanyang pamilya sa loob ng kanilang bahay sa bayan ng Quezon, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang suspek na si Migo Tiago, 40-anyos, residente ng Sitio Mangilokos, Brgy. Buliwao.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Pol/Maj. Larry Pinkihan, hepe ng PNP-Quezon na unang nakatakas sa galit na suspek ang kanyang misis na si Elsie kasama ang tatlong menor de edad na anak habang naiwang nakakulong sa pangalawang palapag ng bahay ang dalawa pa nitong anak na edad sampu at apat na taong gulang.

Tumagal naman nang isa at kalahating oras ang negosasyon bago nailigtas ang dalawang anak nito nang paputukan ng dalawang beses ng rumespondeng pulis ang kanang kamay ng suspek na nakahawak sa itak.

Matagumpay na nahuli ang suspek na nagtamo lamang ng kaunting sugat sa kanyang kanang kamay habang inirekomenda ng pulisya na isailalim sa counseling ang mag-iina.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Pinkihan, sinampahan na ang suspek ng kasong serious illegal detention at direct assault in person of authority subalit inirekomenda ng korte na dalhin siya sa mental institution para magamot ito sa kanyang sakit sa pagiisip.

Bukod sa matinding selos ay hindi rin umano iniinom ng suspek ang kanyang gamot mula nang lumabas sa isang mental institution sa Baguio City na siyang nagpalala sa kanyang sakit.

Samantala, pinuri ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang Quezon PNP sa maayos na pag-rescue sa mga biktima ng hostage taking.

Kasabay nito, hinimok ni Provincial Director Pol/Col. Richard Saavedra ang patuloy na pagsali ng mga pulis sa isinasagawang marksmanship practices upang masanay sa tamang pagresponde sa hostage crisis para maayos itong maresolba na walang masaktan o mamatay sa mga sangkot.

—with reports from Bombo Marvin Cangcang