Trahedya ang sinapit ng masaya sanang family reunion nang malunod sa dagat ang lasing na padre de pamilya sa bayan ng Pamplona, Cagayan.

Kinilala ang biktima na dead-on-arrival sa pagamutan na si William Dalire, residente sa Barangay Curva.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Pol/Master/Sgt Tomas Baggay ng PNP-Pamplona na bigla umanong tumalon sa dagat habang masayang nakipag-inuman at sumasayaw pa mula sa floating cottage na nirentahan ng pamilya.

Batid naman ng kanyang asawa at kapatid ang pagtalon ng biktima subalit nagulat na lamang ang mga ito nang hindi na siya umahon sa dagat.

Nang i-abante ang floating cottage ay dito lumutang ang katawan ng biktima na kaagad namang isinugod sa pagamutan ng Rescue 22 ng Pamplona ngunit hindi na umabot ng buhay.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na hindi ginamit ng biktima ang kanyang life vest na nasa floating cottage at isa sa mga patakaran sa resort na pinirmahan ng pamilya sa pamamagitan ng waiver.