Patay ang isang padre de pamilya sa minamanehong motorsiklo matapos bumangga sa barikada ng ginagawang tulay sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.
Kinilala ang nasawi na si Demetrio Silario, 51-anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Diora-Zinungan sa nabanggit na bayan.
Batay sa imbestigasyon, sinabi ni PSSG Bernabe Dayag ng PNP Sta-Ana na galing sa kanilang bahay ang biktima na positibo sa nakalalasing na inumin at nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay bumangga ito sa barikada ng kinukumpuning palawig Bridge.
Sa lakas ng pagbangga ay tumilapon ang biktima kung saan sumalpok pa ito sa isang crane na dahilan ng natamo nitong matinding pinsala sa ulo at katawan.
Isinugod pa ito sa pagamutan subalit idineklara din itong Dead On Arrival ng kanyang attending physician.
Dinala na sa himpilan ng PNP Sta. Ana ang motorsiklo ng biktima para sa kaukulang disposisyon.