
Suportado ni Senator Mark Villar ang direktiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na alisin na ng mga bangko at financial institutions ang SMS one-time passwords (OTPs) at magpatupad ng mas pinalakas na security measures pagsapit ng June 30, 2026.
Ayon kay Villar, welcome sa kanya ang hakbang ng BSP dahil nakahanay ito sa Anti-Financial Account Scamming Act at mahalagang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad sa digital banking, gayundin ng proteksyon laban sa phishing, SIM swapping, at iba pang uri ng online scam.
Nagpahayag din ng pangamba ang senador dahil hindi na sapat ang SMS OTPs upang maprotektahan ang mga user laban sa mga scam, lalo’t marami pa ring nabibiktima nito.
Tinukoy pa niya na halos lahat ng transaksyon ay digital na, at maging ang mga scammer at hacker ay patuloy na umaangkop, kaya napapanahon ang hakbang ng BSP upang mas mapalakas ang seguridad at maprotektahan ang online transactions ng publiko.
Sa ilalim ng direktiba ng BSP, imamandato ang paggamit ng advanced authentication methods tulad ng biometrics (fingerprint at facial recognition), in-app approvals, push notifications, device-based verification, at iba pang security tools na mas mahirap pasukin ng mga scammer.









