
Isinusulong sa Kamara ang pag-amyenda sa Republic Act No. 10659 upang higit na mapatatag ang industriya ng asukal sa bansa.
Ayon kay Javier Miguel Benitez, layunin ng panukalang amyenda na magsagawa ng malawakang reporma upang tugunan ang mga suliranin sa produksyon, presyo, at suplay ng asukal.
Sa ilalim ng House Bill No. 9088 o TUBO Act of 2026, tinutugunan ang pabago-bagong kalagayan sa industriya na iniuugnay ng mga stakeholder sa kakulangan sa regulasyon, polisiya sa pag-angkat, at implementasyon ng mga programa.
Nakasaad sa panukala na palalawakin ang kapangyarihan ng Sugar Regulatory Administration upang i-regulate hindi lamang ang asukal kundi pati ang sugar substitutes gaya ng high-fructose corn syrup at iba pang caloric at non-caloric sweeteners.
Layunin din nitong punan ang kakulangan sa regulasyon na sinasabing nagdulot ng oversupply at market distortion dulot ng labis na importasyon, na nakaapekto sa farmgate prices ng mga magsasaka.
Iminumungkahi rin ang mas inklusibong komposisyon ng SRA governing board sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga kinatawan mula sa sugar millers, planters, refineries, maliliit na magsasaka at agrarian reform beneficiaries, gayundin ang mga manggagawa at industrial users.
Bukod dito, inaatasan ang regular na konsultasyon sa mga stakeholder at ang pagpapalathala ng datos at mga desisyong polisiya upang mapahusay ang transparency sa sektor.
Kabilang din sa panukala ang 18-buwang moratorium sa commercial sugar imports maliban sa mga pagkakataong may kakulangan sa suplay.
Mayroon ding mga probisyon para sa price support mechanism, emergency cash assistance para sa mga apektadong magsasaka, subsidiya sa farm inputs, at pansamantalang loan relief program para sa maliliit na sugar planters.






