Pinuri ng anti-Marcos group Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma) ang desisyon ng Supreme Court na ideklara na void o walang bisa at unconstitutional ang lease contract ng pamahalaan noong 1978 na kumilala kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na may-ari ng 57-hectare property sa Paoay, Ilocos Norte.

Sa desisyon na inilabas noong September 4, idineklara ng SC na walang bisa at unconstitional ang 25-year lease contract sa pagitan ni Marcos Sr. at Philippine Tourism Authority.

Sa desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, ipununto nito na ang lupa ay hindi kailanman nabigyan ng titulo sa pangalan ni Marcos Sr.

Nakasaad din na ang mga tagapagmana ni Marcos Sr. ay naghain ng free patents sa halos kabuuan ng 57 hectares noon lamang 2000, 22 taon matapos ang 1978 lease agreement.

Anim sa patent applications ang pinagbigyan, habang dalawa pa ang nakabinbin.

-- ADVERTISEMENT --

Ang ruling na nilagdaan ng 10 pang mahestrado ay nagsabing dahil sa ang lupa na kinukuwestion ay idineklarang national park noong 1969, hindi dapat na nagkaroon ng patent.

Ibinigay umano ang free patent kay Senator Aimee Marcos at kanyang mga anak na lalaki na sina Michael Manotoc at Ferdnando Martin Manotoc.

Inirekomenda ng SC na simulan na ng pamahalaan ang proceedings para mabawi ang nasabing ari-arian.

Para naman sa lupa na saklaw ng free patents, nakasaad sa desisyon na dapat na maresolba ito sa mababang korte.

Gayonman, sinabi ng SC na posible pang mabawi ang nasabing lupa kung ipapasa sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kapangyarihan na atasan ang Office of the Solicitor General na magsagawa ng pagbaliktad sa proceedings.