Handa raw si Senadora Imee Marcos na harangin ang posibleng paghahain ng warrant of arrest laban kay Vice President Sara Duterte ng International Criminal Court, bagamat aminado ang senadora na chismis pa lang ito.
Ani Marcos, wala siyang balak na suportahan ang pag-aresto kay VP Sara lalo’t lumalabas sa kanilang imbestigasyon na ang enforcement ng warrant of arrest kay dating pangulong Rodrigo Duterte ay isang paglabag sa batas.
Sa karagdagang findings ng Senate Committee on Foreign Relations, sinabi ni Marcos na maliwag na makikitang ‘politically motivated’ ang ginawang pag-aresto kay Duterte habang tila may cover up ding nagaganap.
Dagdag pa nito, maari ring humarap sa criminal o administrative charges sina Justice Secretary Crispin Remulla, PNP Chief Gen. Rommel Marbil, Interior Secretary Jonvic Remulla, PNP-CIDG Chief Major Gen. Nicolas Torre III at Special Envoy Ambassador Markus Lacanilao.
Kasunod nito, isusumite umano ni Marcos ang kanilang findings sa Ombudsman para mapag-aralan ang posibleng pagsampa ng kaso sa mga nabanggit na opisyales.