CTTO: Tuguegarao City Information Office

Pinalawig ang suspensyon ng klase sa tertiary level at graduate school hanggang Sabado, March 14 sa Tuguegarao City.

Nakasaad sa Executive Order 15 na nilagdaan ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano na ang suspensyon ng klase ay dahil sa banta ng COVID-19 sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng sakit.

Higit aniyang mahalaga ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral kaugnay sa patuloy na pagdagdag ng kaso ng nakamamatay na sakit sa bansa.

Inatasan din ng alkalde ang City Health Office na magsagawa ng sanitation at i-disinfect ang mga paaralan sa Lungsod na kasalukuyang ginagamit sa mga contest venues at billeting area bilang host ng National Schools Press Conference (NSPC) na magtatapos sa March 13.

Itoy bilang precautionary measures upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente, partikular na ang mga mag-aaral sa kanilang pagbabalik eskwela.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, walang kumpirmadong kaso at wala ring taong under monitoring or investigation para sa COVID-19 sa Tuguegarao City o sa Cagayan Valley.