
Umabot sa record-breaking P160.41 bilyon ang kabuuang ipon ng mga miyembro ng Pag-IBIG Fund noong 2025, mas mataas ng 21% kumpara noong nakaraang taon.
Ito na ang pinakamataas na naitalang savings sa kasaysayan ng ahensiya.
Ayon sa Pag-IBIG, malaking bahagi ng pagtaas ay dahil sa patuloy na paglago ng voluntary savings, lalo na sa ilalim ng Modified Pag-IBIG II (MP2) Savings Program.
Sinabi ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, na siya ring chairman ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees, na nagpapakita ito ng tiwala ng mga miyembro sa programa ng ahensiya.
Dagdag niya, ang karagdagang P27.61 bilyon na nakolekta noong 2025 ay makatutulong para mapanatili ang mababang interes sa housing loans at masuportahan ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino o 4PH Program ng administrasyon.
Sa kabuuang P160.41 bilyon na savings: P66.80 bilyon ay mula sa mandatory monthly contributions habang P93.60 bil¬yon (58%) ay mula sa voluntary savings.
Ayon kay Pag-IBIG CEO Marilene Acosta, mas marami na ngayon ang kusang nagdadag¬dag ng hulog bukod sa required na P200 kada buwan. Umabot sa P10.09 bilyon ang karagdagang kontribusyon ng mga miyembro.
Pinakamalaking bahagi ng voluntary savings ang MP2, na uma¬bot sa P83.51 bilyon noong 2025.
Ani Acosta, masaya silang patuloy na tinatangkilik ng mga miyembro ang MP2 dahil nakikita ang halaga ng pag-iipon para sa kinabukasan.




