Kinuwestiyon ng mga abogado ng mga biktima ng madugong drug war ang mungkahi ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hingin ang passport o government-issued ID bilang requirement sa mga nais lumahok sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).

Sa April 7 filing, iginiit ng defense lawyer ni Duterte na si Nicholas Kaufman na dapat lamang tanggapin ng ICC Pre-Trial Chamber ang mga dokumentong may malinaw na larawan gaya ng passport o national ID para sa mas maayos na verification at iwas sa fraud.

Pero tinuligsa ito ni Atty. Joel Butuyan ng CenterLaw Philippines, isa ring accredited counsel sa ICC, at sinabing tila walang alam si Kaufman sa kalagayan sa Pilipinas.

Aniya, ang hinihinging ID ay pribilehiyo lang ng may kaya.

Hindi ito abot-kamay ng mga mahihirap—na siyang karamihan sa mga naging biktima ng madugong kampanya kontra droga.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Butuyan, ang ganitong mungkahi ay tila paraan para hadlangan ang mga pamilya ng biktima na makilahok sa proseso.

Iginiit ni Butyan na parang pinapahirapan pa sila ulit, dahil una na silang nawalan ng mahal sa buhay tapos ngayon, ayaw pa silang kilalanin bilang biktima.

Sa halip na passport o driver’s license, iginiit ni Butuyan na sapat na ang sertipikasyon mula sa barangay upang patunayan ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Buo rin ang tiwala ni Butuyan na hindi papayagan ng ICC ang mungkahi ni Kaufman