Maituturing na constructive illegal dismissal ang verbal abuse, indifferent behavior at demotion sa mga empleyado na dahilan ng resignation sa trabaho.
Ang constructive dismissal ay nangyayari kung ang employer ay gagawa ng hindi matiis na kundisyon sa trabaho na dahilan para mapilitan na mag-resign ang isang empleyado.
Sa desisyon ng Supreme Court Second Division, sa pamamagitan ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, napatunayan na constructively dismissed si Jonathan Dy Chua Bartolome ng isang car dealer sa Quezon City.
Naging regular na car dealer employee si Bartolome noong 2010, kung saan naatasan siya na magbenta ng mga sasakyan, mga produkto at services.
Sinuspindi siya ng pitong araw dahil sa kanyang madalas na pagliban sa trabaho.
Sa isang pulong sa management, sinamahan si Bartolome ng kanyang kapatid, na kanya ring legal counsel.
Ayon sa SC, pinahiya ng Presidente ng car dealer si Bartolome dahil sa isinama niya ang kanyang kapatid sa pulong.
Dahil dito, inilipat si Bartolome sa ibang team, at tinanggal ang marami niyang accounts na walang paliwanag.
Ayon sa SC, hinarang ng general sales manager ang pagtatangka ni Bartolome na makapagbenta, at tinanong siya ng kanyang boss kung may plano na siyang mag-resign.
Dahil dito, napilitan si Bartolome na mag-resign noong 2016.
Nang kunin niya ang kanyang clearance, trinato umano siya na parang isang estranghero at kriminal at hinarass din siya na walang dahilan.
Ayon sa SC, naghain ng reklamo si Bartolome sa Labor Arbiter laban sa car delaer at mga opisyal nito dahil sa constructive dismissal.
Pumabor ang Labor Arbiter kay Bartolome, at pinagtibay ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang desisyon.
Subalit, binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon ng Labor Arbiter, at sinabi na boluntaryo na nag-resign si Bartolome at nabigo na patunayan na siya ay pinilit o tinakot.
Subalit, pumabor ang desisyon ng SC kay Bartolome at iginiit na ang pagpapakita ng hindi pagkagusto at agresibo o nakakasakit na aksion tulad ng demotion, pang-iinsulto, at hindi magandang pag-uugali sa isang empleyado, ay maituturing na constructive illegal dismissal kung ang mga ginagawa sa empleyado ay hindi na katanggap-tanggap na wala nang ibang pagpilian kundi ang mag-resign.
Sinabi ng SC, na nangyayari sa trabaho ang hindi pagkakaunawaan, subalit hindi dapat na naibaba ang dignidad ng isang empleyado.
Idinagdag pa ng SC na hindi sana nag-resign si Bartolome kung hindi dahil sa nakakasakit na ginagawa sa kanya ng mga opisyal ng car dealer.