Inihayag ni dating senador Leila De Lima na hindi ang Korte Suprema ang mag-uutos sa Kongreso na magpasa ng batas laban sa political dynasty, kundi ang Saligang Batas.

Ito ay kanyang pahayag bilang tugon sa mga siabi ni Senate President Francis Escudero ukol sa petisyon na humihiling sa Korte Suprema na utusan ang Kongreso na magpasa ng batas laban sa political dynasty.

Sinabi ni De Lima, na former Justice secretary, na ang Saligang Batas ay ang “supreme law of congress” na nagsasabi kung ano ang dapat nilang gawin, kabilang na ang pagpapasa ng batas na nagbabawal sa political dynasties.

Ayon kay De Lima, dapat ay naipasa na ang anti-dynasty bill halos 40 taon na ang nakalipas.

Matatandaang sinabi noon ni Escudero na hindi maaaring pilitin ng Korte Suprema ang Kongreso na magpasa ng batas laban sa political dynasties, dahil ito raw ay isang “political question.

-- ADVERTISEMENT --

Ito ay kanyang tugon sa petisyon ng 1Sambayan Coalition at ilang miyembro ng clergy na humihiling sa Korte Suprema na utusan ang Kongreso na magpasa ng anti-political dynasty law.

Ayon sa mga petitioner, matagal nang ipinagwalang-bahala ng Kongreso ang kanilang tungkulin na magpasa ng batas na ito, halos apat na dekada mula nang maipatupad ang 1987 Saligang Batas.

Binanggit pa nila sa kanilang petisyon na may 80% ng mga upuan sa Kongreso ang hawak ng mga political family, na nagpapakita ng kapabayaan ng Kongreso.

Binanggit ng mga petitioner na sa pamamagitan ng hindi pagpasa ng batas, hindi lamang nila nilalabag, kundi tinatanggal din nila ang bisa ng Article II, Section 26 ng Saligang Batas.

Ayon dito, ang estado ay dapat maggarantiya ng pantay na oportunidad para sa serbisyo publiko at magbawal ng mga political dynasty ayon sa batas.

Gayunpaman, ayon sa mga desisyon ng Korte Suprema, hindi awtomatikong naipapatupad ang provision na ito, kaya’t kinakailangan ng Kongreso na magpasa ng batas upang ito’y maipatupad.