Nagpalabas ng general flood advisory ang PAGASA sa Cagayan Valley.

Batay sa abiso ng ahensiya, makakaranas ng mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan ang rehiyon sa susunod na mga oras na maaring magdulot ng paglaki ng tubig sa mga ilog dahil sa tropical depression ‘Nimfa’ sa Silangang bahagi ng Basco, Batanes.

Sakop ng flood advisory ng PAGASA ang mga ilog sa Dikatayan, Divilacan at Palanan-Pinacanauan sa Isabela; gayundin ang Linao, Lower Abulug, Lower Pamplona, Cabicungan, Aunugay, Baua, Palawaig at Taboan sa Cagayan.

Payo ng weather bureau sa mga residente na naninirahan malapit sa nabanggit na river systems at sa mga bundok na maging alerto sa posibilidad na flashfloods at landslides.

Samantala, inihayag ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 na patuloy ang kanilang monitoring sa naturang sama ng panahon.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay ng pagiging ganap na bagyo kaninang hapon, sinabi ni Michael Conag ng OCD RO2 na inalerto na ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga munisipalidad sa buong probinsya ng Batanes at Cagayan.

—with reports from Bombo Genesis Racho