Tuluyang ipinasara at pinagmumulta ng lokal na pamahalaan katuwang ang pulisya ang isang pagawaan ng taho na nakitaan ng mga paglabag nang salakayin ng mga otoridad sa lungsod ng Tuguegarao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi ni Andres Baccay, head ng Business Permit and Licensing Office, na sinalakay nila ang patagong pagawaan ng taho sa sumbong ng mga residente dahil sa marumi nitong pasilidad na labing-pitong taon nang iligal na nag-ooperate sa Barangay Buntun.
Sa pagsalakay, tumambad sa mga tauhan ng pulisya at BPLO ang pagawaan ng taho na nasa tabi ng comfort room at kulungan ng baboy at walang kaukulang business at sanitary permit na pagmamay-ari ni Cesario Dayag.
Sinabi ni Baccay na bago ang pagsalakay ay binigyan ng tatlong linggo ang may-ari na kumuha ng mga kaukulang papeles at linisin ang pagawaan subalit nabigo ito na naging dahilan upang isilbi ng task force ang closure order nito.
Una na ring inireklamo sa Bombo Radyo ang naturang pagawaan dahil sa mabahong amoy ng gulong o goma na ginagamit sa pagluluto ng taho.
with reports from Bombo Rose Ann Ballad