Posibleng umanong aabot na lamang sa average na 500 cases pababa ang maitatala sa arawang kaso ng COVID-19 sa bansa na mas mababa kumpara sa mga nakalipas na araw.
Ito ang inihayag ni Health Sec. Francisco Duque III, kasabay ng kanyang pagbisita sa mga vaccination sites dito sa lungsod ng Tuguegarao kahapon.
Kaugnay nito ay binigyang diin ng kalihim ang pagpapalakas ng vaccination program at pagbibigay ng booster shots upang magkaroon ng sapat na proteksyon ang publiko laban sa banta ng virus.
Sa naging mensahe ni Duque, pinasalamatan nito ang mga Local Governemnt Units dahil sa kanilang pagsisikap upang makagawa ng hakbang na mahikayat ang publiko na magpabakuna.
kasabay nito, sinabi nito na wala namang direktang epekto sa vaccination program ng gobyerno ang kasalukuyang sitwasyon sa pagitan ng Russia at Ukraine dahil mababa lamang ang dumating na supply Sputnik Vaccine mula russia ang dumating sa bansa.
Bukod dito ay tiniyak niya na sapat na ang supply ng iba pang brand ng bakuna na dumarating sa bansa kasabay ng patuloy na pag-arangkada ng vaccination drive.
Sa datos ng kagawaran, nasa higit 60M na mula sa target na 90M filipinos ang mga fully vaccinated sa bansa at nangangahulugan aniya na malapit ng makamit ang 70% herd immunity.
Sinabi niya na sa ngayon ay wala pang rekomendasyon ang vaccine expert panel kaugnay sa pagbibigay ng booster dose para sa mga bata
Inihayag din ni Duque, na una nang naibigay ang Special Risk Allowance para sa mga healthcare workers sa probinsya habang nagbaba rin ng halos P8B na pondo ang Department of Budget and Management nitong buwan ng Enero at Pebrero para sa kanilang One COVID Allowance at sinimulan ng kagawaran ang pamamahagi nito na inaasahang matatanggap ng mga healthcare workers sa lalong madaling panahon.
Saad ng kalihim, risk based ang magiging batayan ng ahensya sa pamamahagi ng nasabing tulong para sa mga heathcare workers.
Samantala, matapos bumisita sa mga vaccination sites ay dinaluhan din nito ang pagpapasinaya sa bagong ayos na pasilidad o gusali ng Tuguegarao City Health Office.