TUGUEGARAO CITY- Pinaghahandaan na ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang mga ilalatag na panuntunan sa pag-arangkada ng vaccination program para sa mga kabataang edad 12 hanggang 17 na may comorbidity sa Biyernes, Oktubre 29.
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief, sa pangunguna ni DOH underseretary Dr. Myrna Cabotaje ay nagpulong na ang lahat ng hepe ng mga pagamutan sa rehiyon na nakatakdang maglunsad ng pediatric vaccination.
Aniya, 50 na kabataan ang target nilang mabakunahan sa unang araw at sakali man na kakayaning taasan sa susunod na mga araw ay dadagdagan pa ang bilang ng mga tuturukan ng bakuna.
Pfizer at Moderna vaccine naman ang ituturoK sa mga kabataang kwalipikadong mabakunahan kung saan dadaan aniya sila sa matinding screening at obserbasyon.
Kasama sa mga tuturukan ng bakuna ay ang mga naka-confine sa CVMC at maging ang nasa listahang isinumiti ng Tuguegarao City Health Office.
Sa pag-arangkada ng pediatric vaccination ng CVMC ay pansamantala namang ititigil ang pagtanggap ng walk in sa hanay ng adult population.