Sisimulan na sa Tuguegarao City ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga kabataang edad 12 hanggang 17 anyos na walang comorbidity sa November 11, ngayong taon.

Ayon kay Dr. James Guzman, City Health Officer na nakahanda na ang isang vaccination site sa SM downtown na gagamitin sa general pediatric vaccination, gamit ang Pfizer vaccine.

Kasabay nito ay patuloy na hinihikayat ni Guzman ang mga magulang at guardians ng mga bata na iparehistro na sila sa vaccination program sa pamamagitan ng online o sa mga assisted registration sa mga barangay.

Sa November 9 naman ipapamahagi sa mga barangay ang stub para sa mga nakarehistro na siyang ipapakita sa vaccination day sa Huwebes.

Ayon kay Guzman, target na mabakunahan sa lungsod ang nasa mahigit isang libong kabataan.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa mga kabataan ay hinimok din ni Guzman ang general adult population lalo na sa mga seniors at may comorbidity na hindi pa nababakunahan na samantalahin ang pagkakataon na mabigyan ng proteksyon kontra sa virus.

Sapat at marami rin aniya ang suplay ng bakuna sa Lungsod kung saan nakatakdang darating sa susunod na Linggo ang karagdagang limang libong doses sa 15,000 doses ng Aztrazeneca na binili ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng Baguio City.