Sisimulan na bukas (March 16) ang roll-out ng nasa 600 doses ng Sinovac vaccines na inilaan ng gubyerno para sa 5th Infantry Division ng Philippine Army.

Itoy matapos dumating ang mga bakuna na sakay sa dalawang Black Hawk Helicopter ng Philippine Air Force at idiniretso sa cold storage room sa Rural Health Unit ng Gamu, Isabela.

Ayon kay Maj. Jekyll Dulawan, Chief-Division Public Affairs ng 5ID ng Philippine Army na prayoridad na iturok ang unang dose ng bakuna para sa mga medical personnel, command personnel at sa mga military police.

Paliwanag ni Dulawan, sa 600 doses na inilaan sa kanila ay 300 lamang ang matuturukan dahil ang kalahati nito ay para sa second dose na matatanggap ng mababakunahan.

Sa ngayon, sinabi ni Dulawan na handang handa na ang tatlong medical team na magsasagawa ng pagbabakuna, bukas.

-- ADVERTISEMENT --